Alaala sa mga Talulot
January 30, 2007(This article was published at peyups.com on January 16, 2007, Tuesday @ 04:22:32 AM. Ako nga po pala si jhome)
Pebrero na namang muli. Malapit na naman ang Araw ng mga Puso. Naaalala na naman kita. Muli na namang mabubuhay ang mga alaalang pilit kong ibinabaon sa limot. Ahh… bakit ba kailangang magmulto ka pa?
~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*
3rd year high school, best friends tayo. Pero tinalo mo ako. Ako namang si corny, sinagot kita. Sa dinami-dami ng araw, Valentine pa. Kaso mo tanga ka, kaya kinabukasan mo na narealize na tayo na pala. So una pa lang me problema na tayo: Ano ba ang anniversary date natin, February 14 o February 15? Sabi mo, 15 na lang. Pumayag naman ako kasi kako, ayoko ng me mga kapareho akong me bulaklak kung reregaluhan mo ako pag anniversary natin. Gusto ko ako lang ang meron. Gusto ko ako lang ang me mahabang buhok sa espesyal na araw na iyon.
Kaya naman mula nung maging tayo, taon-taon tayong nagdiriwang ng Araw ng mga Puso na isang araw na mas huli kaysa sa iba. Pero masaya ako nun. Masaya naman ako basta kasama kita, Araw man ng mga Puso o hindi, anniversary man natin o ordinaryong araw lang.
Sa loob ng anim na taon, lagi kong minamadali ang pagdating ng Pebrero. Ibig kasing sabihin nun, darating na ang Araw ng mga Puso. Makakakita na naman ako ng mga babaeng me dalang mga bulaklak. Tatawanan ko sila at sasabihin ko sa isip kong, “E ano ngayon kung me bulaklak kayo? Marami namang meron din. Bukas, ako lang ang meron! Ako lang ang maganda! Hah!”. At taun-taon, isang araw matapos ang pagdiriwang sa Araw ni Kupido, aabutan mo nga ako ng bulaklak. Tuwang-tuwa ako kapag ganun. Paano ba naman, yun lang ang panahong binibigyan mo ako ng bulaklak. Nagsimula sa isang pirasong pulang rosas na hanggang ngayon ay itinatago ko pa rin ang talulot. Naging isang dosena. Nang lumaon, ginawa mo ng carnations dahil alam mong iyun ang gusto ko. At taun-taon, kapag natutuyo na ang mga bulaklak na bigay mo, itinatago ko ang mga talulot nito na siya kong tinitingnan kung nais kong maalala kung gaano ako kasaya ng araw na matanggap ko ang mga iyon.
Ika-anim na taon natin. Tamang-tama sabado. Nagkasundo tayong magkikita na lamang sa isang mall para doon manood ng sine at kumain. At sabi mo, ibibili mo rin ako ng discman na matagal ko ng pinaparinig sa iyo. Hindi ako mapakali nun. Iniisip ko na kung anong klaseng bulaklak ang matatanggap ko sa iyo. At hindi mo ako binigo. Pagkakita ko pa lang sa iyo, alam ko ng me isang bungkos na naman ako ng bulaklak. At iyong iniabot ang dalawang dosenang puting rosas na napakaganda ng pagkakaayos. Sabi nga ng nanay ko na kasama ko noon, “Aba para kang Miss Universe!”. Totoo, yun nga ang pakiramdam ko noon. At bumili tayo ng discman na regalo mo sa akin. Pero alam mo, hindi ko nasabi sa iyo ito, ayos na sa akin yung bulaklak. Doon lang masaya na ako.
Kinabukasan, para pa rin akong lumulutang sa hangin. Nagkita tayo ulit. This time, para naman magsimba. Tapos nag-mall tayo ulit. Doon sinabi mo sa aking, “I will never leave you.” Halos maiyak ako sa sobrang kaligayahan. Nung hapon na, nagpunta tayo ng Lagoon para magpalipas oras. At bigla-bigla, sinabi mong, “Mas maganda sigurong maghiwalay muna tayo.”
Sa sobrang kabiglaan, akala ko nagbibiro ka. Hindi ba’t kahapon lang tayo nagdiwang ng ating ika-anim na taon? Hindi ba’t kanina lang sinabi mong hindi mo ako iiwan? Dalawang linggo pa lang ang nakararaan mula ng yayain mo akong pakasal di ba? Ano ito lokohan? Subalit mali ako. Seryoso ka. Iniwan mo akong luhaan at nag-iisa. Si Oble ang kaisa-isang piping saksi sa mapait na panaghoy na aking ginawa. Siya ang nakakita kung paano kita hinabol, kung paano ako nagmakaawang huwag mong iwan. Pero hindi ka nakinig. Umalis ka pa ring hindi man lang sinasabi sa akin ang dahilan kung bakit.
Pagdating ko ng bahay, nasa lamesa ko ang mga bulaklak na bigay mo, nanunuya. Gusto ko silang itapon, gusto kong isampal sa mukha mo maibsan lamang ang sakit na idinulot mo. Kung alam ko lang na masasaktan ako ng ganito, sana’y inihambalos ko na lang sila sa iyo nung ibinigay mo sila. Akala ko yun na ang pinakamasakit, hindi pala.
Isang linggo matapos yun, nakipagbalikan ka. Ako naming si tanga, pumayag. Isang linggong muli matapos yun, nakipaghiwalay ka na naman. Akala ko tapos na. Pero hindi! Isang linggo ulit ang pinalipas mo bago kang muling makipagbalikan. Sabi mo, kailangan mo ako kasi mahal mo ako. Hindi na ako nagtanong, tinanggap kitang muli. Hindi na ako natuto. Dahil apat na buwan matapos kitang bigyan uli ng pagkakataon, kumalas ka na naman. Wala na akong lakas nun para ipaglaban ka pa. Kaya’t pumayag na lang ako.
Sa loob ng dalawang buwan, unti-unti kong hinanap ang sarili ko. Pero kung kailan naman handang-handa na akong palayain ka ng tuluyan, saka ka muling bumalik. Sabi mo, “Let’s give this another chance.” At naniwala akong muli na hindi maaayos pa natin. Hindi ko na tinanong kung ano ang naging problema. Sapat na sa akin nun na bumalik ka.
Kaya’t nagdiwang tayo ng ating ika-pitong taon. Tatlong dosenang puting carnations ang iyong ibinigay sa akin. Masaya ako noon dahil ang akala ko, nalampasan na natin ang seven-year itch na tinatawag nila. Muli akong nagtiwala sa iyo. Muli akong naniwala sa sinabi mong “Love is enough.” Muli kong nakita ang kagandahan ng mga bulaklak na bigay mo. Muli kong inanticipate ang pagdating ng Pebrero.
~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*~*
Ngayon, Pebrero na. IIang araw na lang, Valetines Day na. Magdiriwang ba tayo kinabukasan? Hindi na. Sapagkat wala ka na sa piling ko. Siya na ang kasama mo. Ang babaeng alam kong naging dahilan upang manlamig ka. Hindi mo man aminin, alam kong matagal ka ng may gusto sa kanya. Hindi ba’t matagal mo na nga siyang naikukwento sa akin? Sh*t ang tanga ko! Hindi ko nahalata! Sana sinabi mo na lang sa akin. Para naman hindi ako mukhang tanga sa pag-iisip kung ano ang nangyari. Madamot ka kasi, ayaw mong sabihin sa akin ang dahilan.
Wala pa ring kasing pait ang sakit na idinulot mo. Pero unti-unti, bumabangon na ako. At akala mo ba wala akong ka-Valentine ngayon? Meron ‘ata! Hindi lang ikaw ang me “Baby”, ako rin. Nakakatawa
kasi kapangalan mo sya. Sabi ng mga kaibigan ko, kahawig mo rin daw. Ayos lang dahil alam ko namang isang letra lang ang pinagkaiba ng palayaw ko sa palayaw ng ipinalit mo sa akin. Para pa ring ang isa’t-isa ang kasama natin.
Pero aaminin ko, iba pa rin kung ikaw ang kasama ko. Hahanapin ko pa rin ang mga bulaklak na galing sa iyo. Habang hindi pa ako tuluyang nakakalimot sa alaala ng nakalipas, muli ko na lamang pagmamasdan ang talulot ng mga bulaklak na pitong taon kong inipon at itinago. Mga naiwang bakas ng ating nakaraan.
Happy Valentine’s sa inyo.
###############
Masaya na ako ngayon. Lamang, hindi ko maiwasang hindi siya isipin lalo na't nalalapit na dapat ang anniversary namin.
Previous Comments
All comments are moderated. Your comments will not appear here unless approved by the blog owner. Thank you.









ito ang isa sa mga blog entries na binasa ko mula simula hanggang wakas…tinamaan ako…hindi dahil pareho tayo ng karanasan…kundi dahil natapakan ko ang mga landas na tinahak mo sa loob ng Campus…madami talagang nasaksihan si Oble ano?
Posted by jogasaurus at February 17, 2007, 4:54 pmo sya…maganda ang sinulat mo.